Post Header

Madalas kaming tanungin ng mga tagagamit kung maaari ba kaming gumawa ng mobile app para sa Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) at kung bakit wala pa kaming nagagawa nito. Tinalakay na namin ito noon at isinama pa sa aming mga FAQ, ngunit dahil madalas pa ring lumalabas ang tanong na ito, nais naming magbigay ng napapanahong paliwanag kung bakit wala kaming app—at wala rin kaming planong gumawa nito.
Mga App mula sa Ibang Partido
Walang opisyal na app ang AO3. Kung nakakita ka man o gumagamit ka ng app na kamukha ng AO3, hindi ito opisyal at hindi pag-aari ng Organization for Transformative Works – OTW (Organisasyon ng Nagbabagong Katha). Ang mga app na ito ay gawa ng ibang partido at karaniwang mga binagong web browser lamang na nagbabago sa hitsura ng AO3 kapag binubuksan mo ito.
Maaaring may mga patalastas ang mga app na ito o maaari ring humingi ng bayad sa mga tagagamit, na parehong hinding-hindi gagawin ng AO3. Hindi pinapayagan ng AO3 ang mga patalastas at mananatili itong laging libreng gamitin. Sinumang naniningil sa iyo para magamit ang AO3 sa anumang paraan—maging sa pamamagitan ng pagpilit sa iyong manood ng mga patalastas, pagpapabayad para makita ang mga katha, o pagpapabayad para sa subscription upang magamit ang karagdagang mga katangian—ay lumalabag sa Palatuntunan ng Serbisyo ng AO3.
Dahil hindi namin kontrolado ang mga app na mula sa mga ibang partido, kung lalagda ka sa AO3 gamit ang mga ito, maaaring makuha ng mga developer ng app ang iyong panlagda at password. Nakasalalay ang iyong seguridad sa tiwala na hindi masama ang intensyon ng developer at nagsagawa sila ng lahat ng angkop na pag-iingat upang mapanatiling ligtas ang iyong impormasyon sa paglagda. Kung ang iyong impormasyon sa paglagda ay malantad sa isang taong may malisyosong layunin, maaari silang lumagda sa iyong account upang magpaskil ng nilalamang lumalabag sa Palatuntunan ng Aming Serbisyo, burahin ang iyong mga gawa, baguhin ang mga kredensyal ng iyong account para hindi ka makalagda, o kahit burahin ang iyong account.
Mga Limitasyon sa App Store
Kung bubuo man kami ng opisyal na app, malabong maipamahagi namin ito sa pamamagitan ng Apple App Store o Google Play Store. Parehong may mga tuntunin ang mga ito laban sa mga nilalamang "hindi katanggap-tanggap" (objectionable) o sekswal, na pipilit sa aming labagin ang patakaran ng AO3 tungkol sa pinakamalawak na saklaw ng mga nilalamang hangang-katha.
Nakasaad sa mga gabay ng mga developer sa App Store ng Apple na "hindi dapat maglaman ang mga app ng mga materyal na nakakasakit, walang pakundangan, nakakabagabag, sadyang nakakadiri, labis na hindi angkop, o talagang nakakakilabot (creepy)," habang ang mga pamantayan sa nilalaman ng Google ay "hindi pumapayag sa mga app na naglalaman o nagsusulong ng sekswal na nilalaman o mga malaswang salita, kabilang ang pornograpiya, o anumang nilalaman o serbisyong naglalayong magbigay ng sekswal na kasiyahan." Bagaman nagbibigay ng kaunting kaluwagan ang parehong app store para sa nilalamang gawa ng mga user, pinapayagan lamang nila ang mga sekswal na nilalamang "hindi sinasadya o bahagi lamang ng kabuuan" (incidental) at nagbabala na maaaring tanggalin ang mga app na labis na nagtatampok, aktibong nagsusulong, o kilala sa pagkakaroon ng sekswal na nilalaman. Karaniwan ding hinihingi ng parehong app store sa mga gumagawa ng app na suriin nang maaga o tanggalin agad ang mga nilalamang "hindi katanggap-tanggap" kapag naiulat ang mga ito.
Ang pagkakaroon ng app sa alinman sa mga app store na ito ay mangangailangan ng malaking pagbabago sa mga uri ng nilalamang pinapayagan namin sa AO3—isang bagay na hindi namin nais gawin.
Bagaman posible ang pamamahagi ng mga app sa labas ng Apple App Store o Google Play Store, mas kumplikado ang proseso nito at mas maliit ang maaabot na bilang ng mga tao. Mas pinipili naming ituon ang aming pagsisikap sa pagpapabuti ng mismong website, na pinakikinabangan ng lahat ng aming mga tagagamit—anuman ang device na kanilang ginagamit sa pagbukas ng AO3.
Mga Alternatibo sa App
Kapag nagtatanong ang mga tao tungkol sa isang AO3 na app, karaniwan ay may tiyak silang katangian o kakayahang nais makuha mula rito. Maraming katangiang nagpapaayos ng kalidad ng buhay na kadalasang iniuugnay sa mga app (tulad ng mga layout ng mobile, pag-save ng iyong lugar kapag nag-tab ka, atbp.) ay hindi talaga nangangailangan ng app.
Nangangahulugan ito na maaaring ipatupad ng aming mga developer ang ilan sa mga katangian ng mga app bilang bahagi ng kanilang mga normal na pagsisikap na mapabuti ang site, nang hindi naglalaan ng karagdagang oras para gumawa ng hiwalay na app. Ang unti-unting pagdaragdag ng mga opsyon na katangiang parehas sa mga app sa umiiral na site ay mas posible para sa amin kaysa sa paglikha ng isang standalone na app.
Sa katunayan, ang ilan sa mga tampok na ito ay magagamit na. Kinalap namin ang ilan sa mga pinakakaraniwang kahilingan at ang kanilang mga umiiral na solusyon sa ibaba.
Pasadyain ang AO3
Kung nais mong baguhin ang itsura ng AO3—halimbawa, sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga kulay o paggawa rito na mas angkop para sa mobile—maaari kang gumawa ng anyo ng site. Pinahihintulutan ng mga anyo ang sinuman na baguhin ang paraan ng pagpapakita ng AO3 para sa kanila. Mayroong ilang anyo na bukas sa publiko at maaaring makita sa pamamagitan ng footer sa ibabang bahagi ng bawat pahina, kabilang ang Reversi, na siyang default na "dark mode" ng AO3.
Kung hindi mo gusto ang alinman sa aming mga paunang anyo maaari kang gumawa ng sarili mo. Tingnan ang aming FAQ tungkol sa mga Anyo at Archive Interface o ang video tutorial para sa Anyo ng Site (sa wikang Ingles) para sa karagdagang impormasyon.
Kung ayaw mong gumawa ng sarili mong anyo ng site mula sa simula, makakahanap ka ng maraming tagagamit na nagbabahagi ng kanilang sariling anyo sa ilalim ng tag na AO3 Site Skin.
Shortcut sa Homescreen
Kung nais mo ng mas madaling pagbukas sa AO3 mula sa homescreen ng iyong device, maaari kang magdagdag ng shortcut upang lumitaw ang AO3 kasama ng iba mo pang mga app. Sundin ang mga tagubiling ito para sa iOS (sa wikang Ingles) o mga Android na device.
Pagbasa nang Offline
Kung nais mong mabuksan ang mga katha nang offline, maaari kang mag-download ng mga katha mula sa AO3 nang direkta sa iyong mobile device. Nag-aalok kami ng iba't ibang format ng pag-download upang umangkop sa iba't ibang programa at device. Para sa tulong sa pag-download ng mga katha, tingnan ang aming FAQ tungkol sa Pag-download ng Hangang-Katha.
Tandaan Kung Saan Ka Huminto
Kung madalas kang nahihirapang tandaan kung saan ka huminto sa pagbabasa ng isang hangang-katha, maaari mong gamitin ang seksyon ng mga tala (notes) sa isang pribadong palatandaan upang matandaan ang kabanata o talatang iyong pinaghintuan. O kaya, kung ida-download mo ang katha para basahin nang offline, awtomatikong ise-save ng maraming e-reader app ang iyong huling binasa.
Makinig sa mga Hangang-Katha
Kung nais mong makinig sa mga ghangang-katha sa halip na basahin ang mga ito, may ilang mga opsyon. Maaari mong tingnan ang tag na Podfic upang makahanap ng mga audio na ginawa ng ibang mga user.
Kung walang podfic para sa kwentong hinahanap mo, maaari kang gumamit ng Text-to-Speech na software upang makinig sa isang katha. Karamihan sa mga mobile device ay mayroong sariling Text-to-Speech para sa aksesibilidad; mahahanap mo ito sa pamamagitan ng pagtingin sa mga setting. Ang ilang mga desktop browser ay mayroon ding sariling tampok na Text-to-Speech, na kadalasang bahagi ng "reading mode." Maraming solusyon depende sa iyong tiyak na pangangailangan, ngunit narito ang ilang artikulong nagtuturo kung paano magsimula:
- Pabasahin nang malakas sa iyong iPhone ang nilalaman ng screen
- Android: Gamitin ang Select to Speak
- Paano gamitin ang Reader View sa Firefox (sa wikang Ingles)
- Gamitin ang Reading mode sa Chrome (sa Desktop)
- Pabasahin nang malakas sa iyong Mac ang text na nasa screen
- Gamitin ang Immersive Reader sa Microsoft Edge
Kung mayroon kang karagdagang mga tanong tungkol sa mga katangian ng site ng AO3 o tungkol sa isang partikular na "AO3 app", makipag-ugnayan sa Tulong para sa suporta. Sila ang humahawak sa teknikal na suporta para sa mga kasalukuyang katangian ng AO3, mga kahilingan para sa mga bagong katangian ng site, at mga ulat tungkol sa mga hindi opisyal na app ng AO3.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.
